Homeschooling Rio : Mga Tulang Pambata at Pagtuturo ng Wikang Filipino

Sunday, December 03, 2017 0 Comments A+ a-





Maghanap ng mga tulang pambata – ‘yan ang isa sa mga target ko noong huling Manila International Book Fair (MIBF). Bukod sa pagpapasyang bumili (sa wakas!) ng Mini WIKAHON A, mga tulang pambata talaga ang puntirya ko sa nagdaang MIBF.

Bakit naman tula? Marami-rami na rin kaming nabasang kuwentong pambata kaya’t gusto ko namang subukan kung magiging interesado si Rio sa mga tula. Mahuhuli kaya niya ang ritmo at mga mensahe ng mga akda? Kung ako ang tatanungin, hindi ako nahilig sa pagbabasa ng tula at lalong hindi rin ako makata. Pero sa paminsan-minsang pagbabasa ko ng mga tula, nakamamanghang tumatatak ang mensahe sa akin kahit iilang linya lang ang bumubuo nito.


MGA TULANG PAMBATA AT PAGTUTURO NG WIKANG FILIPINO



Ano pa kaya ang puwede kong gamitin para mas maging masaya ang aming mga aralin sa Filipino? Tamang-tama ang mga nabili kong aklat na naglalaman ng mga tulang pambata!

Una ginamit namin ang isang tula ni Eugene Evaco sa aklat na Harana ng Kuliglig sa pagrerebyu ng aralin namin tungkol sa pagpapantig. Masaya naming binasa ang tulang “Gagawa ako ng Sariling Insekto”.

Alitaplong, maripolong, niklong,
salagulong, kuliglong, lamlong,

Panoorin ang mga inimbento ni Rio na mga pangalan ng insekto. Nakakabaliw ang mga naisip ni Rio! Naging masaya ang pagrerebyu namin sa pagpapantig dahil sa tulang ito. Na-exercise din ang aming mga imahinasyon para lumikha ng sariling mga insekto!



Ang tulang "Bakit ako Mag-aalaga ng Langgam" ang ginamit namin para sa pag-aaral ng mga pandiwa o mga salitang tumutukoy sa galaw o kilos.

1.Hindi tumatahol.
2. Hindi nagmamaktol.
3. Hindi ngumingiyaw.

Langgam, aalagaan? Pwede bay un, Nanay? Ang dami nga sa bahay natin e! Nakakaaliw basahin ang tulang ito. Madaling naintindihan ni Rio ang konsepto ng pandiwa dahil sa mga galaw at kilos ng iba pang mga hayop na inilalarawan sa tula.

Marami pang tulang kabilang sa Harana ng Kuliglig na hindi pa namin nababasa. Susubukan naming basahin ang tulang “Kung Bakit Ako Pumipikit”. Sana mabilis nitong mahele ang bata para isara ang mga mata at maglayag sa kanyang magagandang panaginip.


Nanay's TIPS : MAGBASA AT MAKIPAGKUWENTUHAN SA WIKANG FILIPINO

Minsan naiisip ko, sapat na ang matutong magsalita at makipag-usap si Rio gamit ang wikang Filipino. Sa tingin ko, mabilis siyang matututo nito kung magbabasa kami ng maraming kuwento at makikipag-usap kami lagi sa kanya sa Filipino. Mas magiging kumportable kasi siyang gamitin ang Filipino kung alam niyang nagkakaintindihan sila ng kanyang kausap kaysa matuto lang siya sa pamamagitan ng pagsagot sa mga pagsasanay sa textbook.

Ang aklat na “Matutong Magbasa” ang ginamit namin sa pagtuturo kay Rio na magbasa sa Filipino. Pero sa totoo lang, hindi rin namin tinapos ang mga aralin dito. Isinabak din namin siya sa pagbabasa ng mga kuwentong pambata na minsan ako ang nagbabasa o kaya salitan kaming dalawa.  

Mula sa Anvil Publishing ang litrato 

Maraming kuwentong pambatang nakasulat sa wikang Filipino ang maaaring pagpilian pero mas magandang magsimula sa mga paksang interesado ang inyong mga anak. Mahilig sa mga sasakyan noon si Rio kaya mahal na mahal niya si Kas ng Ang Barumbadong Bus ni Rene Villanueva. Mahilig magtago at maglaro si Rio kaya aliw na aliw siya kay Pilo sa kuwentong Si Pilong Patago-tago ni Kristine Canon. Nakagawian na naming gawing laro ang pagbibigay ng kasalungat na salita kaya sakto ang kuwentong Araw ng Kabaligtaran. ni Jomike Tejido. Sa dami ng mga kuwentong pambata, tiyak makakahanap tayo ng sakto sa interes ng ating mga anak.

Mabagal pa rin magbasa sa Filipino si Rio hanggang ngayon. Pantig-pantig pa rin at mas mabagal kapag may –ng+patinig sa salitang binabasa. Napapansin naming mas mabilis niyang mabasa ang mga salitang alam niya ang kahulugan o mga salitang lagi niyang naririnig sa kanyang kausap na ginagamit din niya. 

Mga momshies, pagbabasa at pakikipag-usap sa wikang Filipino pa rin ang mga susi para mas lalong matuto magsalita ng Filipino ang ating mga anak. Maaari ring subukan ang mga tula lalo na para sa pagpapayaman ng kanilang bokabularyo at imahinasyon.