Read 4 Books to Learn More About Andres Bonifacio and the Katipunan

Monday, November 27, 2017 3 Comments A+ a-





1.     Ang Supremo at ang Kuweba
           Kuwento ni April Jade I. Biglaen
           Guhit ni : Ivan G. Reverente
           Inilathala ng Lampara Books




Hindi nakakabagot basahin dahil nababalikan ang kasaysayan nang hindi kinakailangang lisanin ang kasalukuyan. Dadalhin tayo ng batang si Narding at ng kanyang tatay sa makasaysayang mga kuweba ng Pamitinan at Makarok. 

“Bakit sa mga kuweba nagpupulong sina Bonifacio at mga katipunero, Nanay?”  Ayan, pagkakataon na para ipaliwanag ang mga layunin ng Katipunan. Bakit ito isang lihim na organisasyon noong mga panahong sinakop ang Pilipinas ng mga Kastila.

Nabanggit din sa kuwentong ito si Bernardo Carpio  o ang pinaniniwalaang haring may kakaibang lakas na magpapalaya sa ating bayan. Sa mga kuwebang pinuntahan ng mag-ama sa kuwento sinasabing ikinulong si Bernardo Carpio.  Naengganyo tuloy akong humanap pa ng mga alamat at kuwentong bayan na maaaring magamit namin sa pag-aaral ng kasaysayan.

Sa kabuuan, masayang basahin ang kuwentong ito dahil hinihikayat tayong balikan ang kasaysayan sa pamamagitan ng mga simpleng aktibidad na maaari nating gawin kasama an gating mga anak. Saan kaya makapag-lakbay-aral habang inaaral ang buhay ni Andres Bonifacio? Tara na sa Tutuban!



2. Dalawang Bayani ng Bansa
    Isinulat ni Rene O. Villanueva
    Iginuhit ni Joel Jason O. Chua
    Inilathala ng Adarna House, 2007

Litrato mula sa goodreads.com

Laging ipinaghahambing ang dalawang bayaning sina Andres Bonifacio at Jose Rizal. Madalas nauuwi ang paghahambing sa tanong na “Sino ang mas karapatdapat na kilalanin bilang pambansang bayani?” “Reporma or rebolusyon?”

Hindi pinasok ng aklat na Dalawang Bayani ng Bansa ang mga tanong na ito. Magkahiwalay ngunit magkaugnay nitong tinalakay ang buhay ng dalawang bayani. Sa ganitong pamamaraan makikita ng mambabasa ang mga kaibahan at pagkakatulad nila.

Mas naaliw kaming sa kuwento nang nagpalitan kaming mag-ina sa pagbabasa. Si Nanay ang magbabasa ng mga pahinang tungkol kay Jose Rizal at si Rio naman ang bahala kay Andres Bonifacio. 

“Kailan nga uli ang kaarawan mo, Andres?” Mag-iisip nang medyo matagal bago sumagot ang bata, “Sa November 30! Ang lapit na!”

Sa dulo, tatatak sa isip ng batang mambabasa ang kabayanihan ng dalawa at ang nag-uumapaw na pagmamahal nila sa bayan, buhay man ang ialay.

Mababanggit din pala sa aklat na ito ang dalawa pang bayani ng bansa, sina Emilio Jacinto ( buti na rin at nabanggit para may gagampanang papel si Tatay!) at Gregoria Del Pilar.  Kaya naman ang huling aklat na kasama sa listahan ay kuwento tungkol kay Gregoria o Ka Oriang.

3.     Ang Lakambini at Ako
Kuwento ni Becky Bravo
Guhit ni Joza Nada
Inilathala ng Adarna House at kabilang sa Bayani Series, 2016


“Nanay, may babae din na lumalaban?”  O di ba, magandang pagsimulan ang aklat na ito para pag-usapan ang mahalagang papel ng kababaihan sa rebolusyon.  Makikilala si Gregoria De Jesus sa mata ni Estong, ang labing-anim na taong gulang na kasapi ng Katipunan.

Si Estong ang napili ni Andres Bonifacio na magturo at magsanay kay Ka Oriang na gumamit ng iba’t ibang uri ng armas, riple at rebolber, na gagamitin sa mga labanan. Sa bawat araw na magkasama sila sa pagsasanay, mas nakikilala ni Estong si Ka Oriang – matapang, mapagkumbaba at higit sa lahat buo ang loob na lumaban para sa kalayaan ng bayan.

Tulad ni Rio, meron ding bumabagabag kay Estong. “Hindi po ba kayo natatakot na sumuong sa gitna ng labanan gayong babae po kayo?”

Narito ang sagot ni Ka Oriang kay Estong (at para na rin kay Rio) :

“Estong lahat ng Filipino, babae man o lalaki, ay may tungkuling ipaglaban ang bayan. Buong loob kong tinanggap ang ngalan na ‘Lakambini',  kaya’t nais ko ring buong loob na gampanan ang tungkuling kaakibat nito. Kung nais  kong mapabilang sa mga kawal ng Katipunan,, nararapat lamang na pag-aralan ko kung paano maging tunay na kawal.” (mga sipi mula sa aklat)

Bagama’t ang pokus ng aming pag-aaral ngayong linggo ay si Andres Bonifacio, masaya kaming nakilala ang kanyang mahal na si Oriang. Pero mukhang mas tumatak kay Rio ang binatilyong mandirigma na si Estong. Eto siya bitbit ang kanyang mga sandata – ang aklat at riple!


4.     Andres Bonifacio
Isinulat ni Isagani R. Medina
Mula sa The Great Lives Series na inilathala ng Tahanan Books

Litrato mula sa Tahanan Books website 


Sa tuwing nagbabasa kami ng kuwento tungkol kay Andres Bonifacio, lagi naming katabi ang aklat na ito.  Kapag may gusto kaming malamang iba pang detalye sa buhay ng ating bayani, kumukunsulta kami dito.

Tulad na lang nang nagtanong si Rio kung paano namatay si Bonifacio. Malaking tulong ang pagbabasa namin ng mga bahagi ng talambuhay niya bago at matapos ang kanyang kamatayan. Medyo masalimuot man ang mga kaganapan, sinikap naming ipaliwanag ang naganap na tunggalian sa pagitan ng mga Magdalo at Magdiwang, nina Aguinaldo at Bonifacio at ang mapait na katotohanang pinatay siya ng mga kapwa Pilipino, mga taksil sa rebolusyon.

Tiyak kami na mas marami pang aklat na maaari naming gawing sanggunian para mas mapiga ang mga detalye sa buhay ng Supremo lalo na noong panahong itinatag at pinamunuan niya ang himagsikan. Sa ngayon, sapat na muna sa amin ang mga detalyeng nilalaman ng talambuhay mula sa The Great Lives Series ng Tahanan Books para gawing mas interesado si Rio sa kasaysayan.


Mga momshies, marami pang kuwentong pambata na tumatalakay kay Andres Bonifacio na hindi namin naisama sa listahang ito. Ano pang aklat ang binasa ninyo para ipakilala si Supremo at ang Katipunan sa inyong mga anak? 


3 comments

Write comments
November 27, 2017 at 1:24 AM delete

Meron din na ang titulo ay Nang Ngumiti si Andoy. Meron kaming kopya nito. =)

Reply
avatar
Nanays Trip
AUTHOR
November 28, 2017 at 4:36 PM delete

Salamat, Teresa! Oo nga, hindi ko ito naisama sa listahan! Sige, basahin namin ito. Salamat sa pagdagdag sa listahan! :-)

Reply
avatar
wahm_iam
AUTHOR
November 30, 2017 at 8:22 AM delete

Maraming salamat sa mga aklat na nabanggit mo. Babasahin naming ang mga hindi pa naming nabasa. Nakahiligan ng aking anak noon pa ang pagbili at pagbabasa ng mga kuwento tungkol kay Andres Bonifacio. Bukod sa "Dalawang Bayani ng Bansa", nakatuwaan din niyang basahin ang "What Kids Should Know About Andres and the Katipunan" ni Weng Cahiles (Adarna House), at ang Ngumiti si Andoy ni Xi Zuq (Adarna House).

Reply
avatar