10 Kuwentong Kita Kita (10KKK)

Friday, August 04, 2017 0 Comments A+ a-

kita-kita-alempoy-nanaystrip

1    Isang beses ko pa lang napanood si Empoy sa pelikula. Wait lang, hindi ako sigurado. Baka napanood ko na rin siya na sidekick o yung laging binabatuk-batukan ng bida pero hindi ko matandaan. Basta dito sa Kita Kita unang beses na tumatak si Empoy sa akin bilang artista. Si Alessandra de Rossi? Hindi ko na mabilang. Kakapanood ko lang sa kanya sa Sakaling Hindi Makarating at panalo siya lagi. 

2     Dalawang pulang tuldok lang ang nakita ko sa screen ng I Finally Found Someone nang magbayad ako ng tiket sa takilyera. Totoong taob ang AshLloyd sa Alempoy! 


3      Tatlong beses kaming hindi natuloy manood ng Kita Kita. Bagyo, sakit at maraming trabaho ang naging sagabal before we finally found a way na tumakas at manood ng sine! 

4       May apat akong paboritong bagay na madalas isuot ni Lea - makukulay na backpack, mga sneakers, pulang scarf at jumpers. Simple, casual-an pero astig pumorma itong si Lea.

5       Lima ang natatandaan kong putaheng inialok ni Tonyo kay Lea : adobong baboy, pancit, kalderetang baka, turon at sinigang na baboy FOR THE WIN!


6      Nakaanim na tanong yata ako kung sinong babaeng singer ang kumanta ng Two Less Lonely People na ginamit sa pelikula. Ayaw kong i-Google kaya wala pa rin akong ideya kung sino. In fairness, ayos naman ang version. Hindi naman tulad ng version ni Kyla sa Till I Met You na hindi mo na makilala ang kanta sa sobrang arteng ginawa. Kulot pa more!

 7    Pitong beses ko pinigilang umiyak para hindi ko kailanganing hanapin sa masikip kong bag ang scarf kong dilaw. Pero failure pa rin ako. Kaiyak lang talaga si Empoy e. "Bakit nang nakakakita ka pa hindi mo ko nakita tapos nang nabulag ka at tsaka mo ko nakita?"  Oi! Baka naman magbulag-lagan kayo ha. Hindi simpleng nakakakita kasi. Dapat mulat na mulat ang mga mata, puso't isipan. Yown, ang kitang kita! 

 8     Walong beses ko yata inulit-ulit sa isip ko (syempre sa isip lang, tahimik, para walang nakakarinig) ang pag-pronounce sa Sapporo. Mabilis ba, maragsa o malumanay? Anong boto mo? Pero mag-move on na tayo sa tamang pronunciation. Ganda lang ng lugar na ito 'no? Parang may mga eksena ngang akala mo nasa Europa sina Lea at Tonyo. Bakit kaya sa ibang bansa ang piniling setting ng kuwento? Ay teka, ayokong itanong uli sa isip ko 'yan ng walong beses.

 9      Daig pa ng Kita Kita Team ang tumama nang siyam na beses sa Lucky 9! Certified box office hit. Ika nga, KITANG-KITA ANG KITA! Pa-Turks ka naman Papa P o kaya pa-kiss na lang nang nine minutes este nine times na nga lang.

10   Sampung beses ko kayo kukulitin -- Nood na! (ulitin ng 10x) ng Kita Kita. Sabi nga, iba ang nagagawa ng word of mouth ngayon para pumatok sa takilya ang isang pelikula. Laos na ang maya't maya at nakakaumay na mga trailer sa TV. Mga tulad na lang ng Nanay ko at iba pang senior citizen ang nakakanood nito. Ang uso na nga 10 puso X 10 likes X 10 shares X 10 views X 10 comments equals ZILLION movie watchers.


          Seryoso na. Panoorin ninyo ang Kita Kita ha. Marami kayong makikita bigla sa buhay ninyo na mga bagay, tao, pangyayari (Pinoy Henyo?) na madalas hindi ninyo napapansin o nakikita ang halaga. Try kaya nating maglista ng 10 Kita Kita moments natin sa totoong buhay? Aabot kaya ng 10 o baka lagpas pa? Pero saka na itong paandar na ito. Bilisan ninyo na at manood na kayo nang walang mamiss. Huwag kayong kukurap ha. Madalas mabilis ang mga pangyayari. 

          Kitakits at  enjoy!

          Kung napanood n'yo na, share naman kayo ng kuwentong Kita Kita sa comments section. Salamat!