Litrato at Kuwento Week 1

Tuesday, January 10, 2017 0 Comments A+ a-

Happy 2017, mga mare! 

Natutuwa akong ipakilala sa inyo ang unang proyekto ng Nanay's Trip ngayong taong ito. Ito ang Litrato at Kuwento na sinumulan ko sa aking Instagram (@nanaystrip). Sa biglang tingin, simple lang naman ang gusto nito - kumuha ng litrato at magbahagi ng kaunting kuwento tungkol dito. Halos lahat naman ng nasa social media ay ganito na ang ginagawa. Bakit ispesyal, para sa akin at sana'y sa inyo rin paglaon, ang proyektong ito?

Isa itong pagsasanay para sa akin lalo na sa pagsusulat araw-araw. Hindi man ako makapagsulat ng mahaba-haba para sa blog, tiyak na may kaunti akong maibabahagi sa pamamagitan ng #LitratoAtKuwento sa aking IG. Ilalagay ko rin dito sa aking blog ang mga naibahagi ko tuwing linggo. 

Isa rin itong pagsasanay sa pagmamasid at pakikinig sa mga tao sa aking paligid. Makita ko sana ang mga kitang-kita pero mas lalo ang mga nandiyan lang ngunit hirap makita't mapansin. Mapakinggan ko sana ang mga naghuhumiyaw sa lakas pero mas lalo ang mga bumubulong at hindi naririnig. 

Sa unang 10 Litrato at Kuwento posts ko, hindi ko naiwasang ibida ang aming pamilya. Pasensya na po. Ang katotohanan kasi sila ang kasama ko sa araw-araw kaya't sila rin ang bumubuo nito. Maaaring marami pang susunod na posts na sila pa rin ang subject ko. Pangako, magsisikap akong mas buksan ang mga mata at tenga ko sa iba pang mga tao, lugar at pangyayaring nagaganap sa ating paligid. Sana samahan ninyo ako sa proyektong ito. 

Litrato at Kuwento #1 


Mahigpit na yakap para sa aking pinakamamahal. Magkasama nating harapin ang mga hamon ng bagong taon. Damhin mo ang pisil ko sa iyong balikat, mahal. Sakto ang higpit at sa pagbitiw naman ay nag-uumapaw ang aking pagmamahal. Happy new year!

Litrato at Kuwento #2 



Dalawang taon pa lang sa amin ang turntable na ito. Ang nakakatuwa, madalas mas matanda pa sa akin ng higit dalawang dekada ang musikang tumutugtog dito. Elvis at Nat King Cole para kay Lola. Eric Clapton at Allman Brothers para kay Tatay. Carole King at Carpenters para sa akin. Beatles naman para kay Rio. Pinacheck-up namin ito kanina kay Rene Rivo sa Music Haven para tuluy-tuloy ang sound trip ngayong 2017. 

Litrato at Kuwento #3 : ADORA


Pagbaba ko ng bus sa Greenbelt 5 kanina, ito ang nakita ko. Naengganyo agad akong kuhanan ng litrato. Hindi dahil sa sabik ako sa mga itinitinda ni Adora. Naalala ko kasi ang anak-anakan ni Tricia sa pelikulang Die Beautiful. Ang baho raw ng pangalang ito kaya pinalitan ni Tricia. Kakatawa lang. Ano pa ba ang example ng mabahong pangalan? At bago ko makalimutan, nood kayo ng Die Beautiful, maganda siya, pramis. 

Litrato at Kuwento #4: Pasko Feels Pa Rin


Naging tradisyon na namin ang mag-family selfie dito sa Ayala Triangle Gardens Festival of Lights. Mula 2012 yata e may kuha kami dito. Kaya naman hindi talaga namin ito pinalagpas. Maging maliwanag, makulay at masaya din sana ang taong ito para sa aming pamilya.


Litrato at Kuwento #5 : How to Fold a Daster 


Kung may major talent ang nanay ko, pagtitiklop ng damit yun. Dati kasing dispatsadora (sa gabi, siya'y bonggang bongga!) ang nanay ko. Sa children's department siya naka-assign. Pantay-pantay at parang plantsado ang mga tinitiklop niyang damit. Kaya naman sa tuwing nagtitiklop ako ng daster niya, insecure mode ako. Di ko kasi kayang pantayan ang tiklop powers ng nanay ko.


Litrato at Kuwento #6 : CINDERELLA 



Masuwerte kaming mag-ina at nahilig sa plaka si Tatay, lalo na sa OPM, partikular sa Manila sound. Mantakin ninyo, ang hirap magets ng album cover na ito ni Cinderella, di ba? Maliban sa silver shoe na ito, masaya akong napapakinggan ko ang Bato sa Buhangin kung kailan ko gusto. Paborito ko ang kantang ito. Kinakanta at pampatulog ng mga kapatid ko ito sa akin nang bata pa ako. Isa, dalawa, tatlo, awit - "Ngunit kung ang pagsuyo'y lilipas din, bagay kaya ang bato sa buhangin."

Litrato at Kuwento #7 : P2P 


Akala ko matatapos ng malungkot ang luwas namin ngayong araw na ito. Hindi kasi kami umabot sa cut-off ng mga pasyente kaya napurnada ang checkup ni Lola. PAMASAHE at PAGOD ang nasayang. Buti na lang at nakabawi kami sa PASYAL at PAGKAIN. Matagal-tagal na ring hindi nakapasyal si Lola sa mall mula nang magkasakit siya noong isang taon. Mas lalong naging masaya ang ending dahil sa magaan, mabilis at matipid (kung ikukumpara sa Grab at Uber) na pagsakay sa POINT 2 POINT bus pauwi. O di ba, PICTURE-PICTURE pa ang mag-lola sa bus!

Litrato at Kuwento #8 : SOUTHERN SKY 



Unang beses naming maupo sa puwestong iyon. Tumiyempo pa ang nakamamanghang kalangitang ito. Sakto rin at masinsinan kaming nag-uusap na mag-asawa tungkol sa mga balak namin ngayong 2017. Mamangha at matuwa din sana kami sa hatid na mga sorpresa't ganap ng 2017 sa aming pamilya.

Litrato at Kuwento #9 : TENKYU SA LQ 


Hindi mabulaklak, sa salita at kahit magbigay nito, ang asawa ko. Ayos lang sa akin ang huli pero hirap ako doon sa una lalo na kung mayroon kaming di- pagkakaunawaan. Isa ang araw na ito kung saan hinahanap-hanap ko ang mga salita. Hindi ko inasahang makukuha ko ito sa tahimik kong asawa, may bonus pang peace offering! Salamat mahal, sa pang-unawa at pagmamahal. Pramis, maraming salita ang maisusulat ko gamit ang mga brush pens na ito. 

Litrato at Kuwento #10 : COMEDY 101 


Habang nag-aalmusal kami kanina, nag-"Knock Knock" si Rio. Bago pa ko sumagot ng "Who's there?", tumatawa na siya. Napalecture tuloy ako kung paano bumato ng joke. Rule #1: Huwag kang tatawa habang nagjojoke, yun bang nauuna ka pang tumawa kaysa sa kausap mo. Nang tanghalian na, napagsabihan ko si Rio, "Malapit ka na mag stand in the corner." Mabilis at seryosong nakipagtit-for-tat ang bata, "Gusto ko potato corner, Nanay." Ang bilis matuto ng batang ito. 



Mga mare, ano ang paboritong litrato at kuwento ninyo dito sa 10 nasa itaas? Pwedeng sagutin sa comments section o mas maganda mag-share ng inyong sariling litrato at kuwento sa inyong mga Instagram accounts. Huwag kakalimutan isingit ang hashtag na #LitratoAtKuwento para masubaybayan natin ang ating mga kuwento. Salamat at hanggang sa susunod na linggo!