Breastfeeding Blues ng Isang Bagong Nanay

Saturday, July 30, 2011 14 Comments A+ a-

Sampung araw lang ako nakainom ng gatas ng ina. Kwento ng nanay ko, nilagnat daw siya kaya pinatigil muna siya sa pagpapasuso. Noong nawala ang lagnat ni nanay, kasabay ring nawala ang gatas niya.

Krusyal talaga ang unang mga araw ng pagpapasuso.  Dito talaga masusubok ang determinasyon ng isang nanay. Hindi nga lang pwedeng puro determinasyon. Kailangan busog rin siya sa tamang impormasyon at suporta mula sa mga tao sa kanyang paligid.

Sa totoo lang, unang linggo pa lang halos sumuko na ko. Bakit parang wala namang lumalabas na gatas?  Walang pinagbago ang mga suso ko, maliit pa rin. Tingin ko pinagkaitan talaga ako ng gatas. Dagdag problema pa ang pang-iisnab ni Rio sa kanang suso ko. Kaya naman namaga na ang kaliwang utong ko dahil lagi dito nakakabit si Rio! Masakit na ang utong, masakit pa sa loob na kulang na kulang ang gatas ko at hindi nabubusog si Rio. Sa madaling salita, bigo ako sa pagpapasuso.

Sige lang, saka na ang drama at magtiyaga lang para sa beybi. Kung kailan naman medyo nakukuha na naming mag-ina ang ritmo ng isa’t isa, nalaman naming may breastmilk jaundice pala si Rio. Ito ang dahilan ng patuloy niyang paninilaw kahit isang buwan na siya. ( May pagkateknikal ang paliwanag dito kaya maglalagay na lang ako ng link sa ilalim para sa gustong mas maunawaan pa ang breastmilk jaundice. ) ** Pinayuhan ako ng pedia na itigil ko raw muna ang pagpapasuso at bigyan muna si Rio ng formula. Basta raw mag-pump ako ng gatas habang naka-formula si Rio para hindi tuluyang mawala.

Parang nabingi ako sa payo ng pedia namin. Tama ba ang narinig kong tigil muna ang pagpapasuso? Mahirap mang tanggapin,sinunod ko pa rin. Hindi ko makakalimutan yung unang gabing hindi sumuso si Rio sa akin. Sa sobrang lungkot ko, ang tatay na niya ang nagtitimpla at nagpapainom sa kanya ng gatas. Todo na talaga ang dismaya ko sa gatas ko – konti na nga, pinadidilaw pa si Rio.

Ipinasok namin sa ospital si Rio para sa phototherapy. Laking tuwa ko nang pinayuhan ako ng pedia niya sa PGH (Philippine General Hospital) na pwede ko namang ipagpatuloy ang pagpapasuso kay Rio. Meron palang dalawang schools of thought kung paano pakikitunguhan ang breastmilk jaundice – tigil muna o tuloy lang. Mas moderno yung tuloy lang ang pagpapasuso. Medyo matatagalan lang ang pagkawala ng paninilaw ng beybi pero ayos lang basta walang ibang simtomas na maaring may iba pang pinagdadaanan si beybi liban sa jaundice. (Tatlong buwan na si Rio sa August at hindi na rin siya naninilaw :)

Halos tatlong buwan pa lang akong nagpapasuso, malayo pa ang byahe naming mag-ina. Sa maikling panahong ito, marami na akong natutunan at dapat pasalamatan.

Syempre, una sa listahan ang tatay ni Rio. Hinayaan niya akong magpokus sa pagpapasuso habang inasikaso niya ang lahat sa bahay at iba pang mga kailangan ni Rio. Kahit lahat nagdududa sa kakayahan kong gumawa ng gatas, tuloy lang siya sa pagpapalakas ng loob ko at pagluluto ng kahit anong sabaw at putaheng may malunggay para dumami ang gatas ko. Importanteng leksyon:  kahit nanay lang ang nakakagawa ng gatas, napakahalagang may tatay na buo ang suporta.

Naging support system ko rin sa mga unang linggo ko ng pagpapadede ang mga  mommy friends ko.  Natatanggap ko ang suporta nila sa text, sa facebook chat, email at mismong pagdalaw sa amin ni Rio. Di sila nagsasawang palakasin ang loob ko at tiyaking lilipas din ang mahihirap na araw. Tiis-tiis lang at parating na ang masasayang araw  kapag nalagpasan ko ito.

Naging inspirasyon ko rin ang mga mom blogs na binabasa ko, tulad ng Chronicles of a Nursing Mom noong malapit na ko manganak kay Rio at hanggang sa ngayon.  Sobra akong nag-aalala dahil hindi ako lubos na nakapagbasa tungkol sa breastfeeding noong nagbubuntis pa ako dahil abala ako sa pagharap sa maselan kong pagbubuntis dahil sa APAS (Antiphospholipid Antibodies Syndrome) at Gestational Diabetes. Kaya kahit aligaga ako sa unang mga linggo ni Rio, naghabol pa rin ako sa pagbabasa tungkol sa breastfeeding. Mas nakakaaliw basahin ang mga testimonya ng mga nanay kaysa mga technical/medical articles. Mas buhay at mas naiintindihan ng mga nanay ang hirap at saya ng pagpapasuso.

Napakahalaga ng unang mga araw ng pagpapasuso. Maraming pinagdadaanan ang mga bagong ina sa mga araw na ito kaya mas kailangan niya ang malawak at maasahang support network -  asawa, pamilya at mga kaibigan (kasama pati ang online friends).

Pinatunayan ng karanasan kong kaya itong malagpasan. Kaya naman di tulad ng nanay niya, maeenjoy ni  Rio nang matagal ang sustansya ng  gatas ng ina.

[caption id="attachment_5" align="aligncenter" width="300" caption="Rio @ 1 month. Priceless smile after breastfeeding session with nanay."][/caption]

14 comments

Write comments
nanaystrip
AUTHOR
July 30, 2011 at 4:35 AM delete

Eto nga pala yung link para mas maunawaan ang breastmilk jaundice

http://www.birth.com.au/Jaundice/Breast-milk-jaundice?p=1

Reply
avatar
Oyie
AUTHOR
July 30, 2011 at 5:23 PM delete

Nakaka inspire naman yung blog mo.. Magagamit ko siya kapag ako naman ang nasa ganyang sitwasyon.. Hello baby rio! Magkikita tayo muli.. 

Reply
avatar
nanaystrip
AUTHOR
July 30, 2011 at 10:55 PM delete

Salamat Oyie. Sana maipagpatuloy ko talaga ang blog na ito. Andami kong gustong ikwento pero yung iba baka hindi nakakainspire,mga kung anik-anik na chika lang,hehe.
Wait ka na ni Rio. Big boy na siya!

Reply
avatar
juyjuy
AUTHOR
October 3, 2011 at 2:05 AM delete

I followed you po! I am not yet a mom, because I am not yet married. Natuwa and nag-enjoy lang po ako sa blog niyo. ello Rio. :))

Reply
avatar
nanaystrip
AUTHOR
October 4, 2011 at 5:59 AM delete

Hello juyjuy! Salamat at nag-eenjoy ka sa blog ko. Bisitahin ko blog mo one of these days. Kitakits, hehe.

Reply
avatar
ghel
AUTHOR
April 16, 2015 at 9:43 AM delete

hi mga mommy.. my big problem ako sana matulungan nyo ko. 2 months lang kc ung baby ko ng ihinto ko sa pag dede saakin.. ngayon six months na sya.. tanong lang maari pa po bang bumalik ang gatas ko kahit 4 months na kong stop ?

Reply
avatar
March 1, 2016 at 8:04 AM delete

hi po gusto ko po kasing magkaroon ulit ng gatas kasi hindi nakadidi sakin ang anak ko kasi nung pinanganak ko sia hindi ako makatayu at makaupo ng maayus nung pang1week kona medyu nakakalakad pero di pa rin ako makaupo so nawala po ang gatas ko .. ano po ba dapat kong gawin para magkagatas ulit mag aapat na buwan na siya ngayung 10 .. tulongan niyu po ako please . tnx po

Reply
avatar
nanaystrip
AUTHOR
March 5, 2016 at 1:27 AM delete

Alam ko kaya pa maibalik ang gatas mo. I suggest you consult with a breastfeeding peer counselor para bigyan ka ng tips to relactate. Are you a member of Breastfeeding Pinays in Facebook? Update kita if may matisod akong contact where you can consult. Thanks for dropping by.

Reply
avatar
Mylene S Domingo
AUTHOR
March 20, 2016 at 5:52 PM delete

Hello po...iba nmn ang case ko para sa baby micah ko. 1yr old and 2months na sya..breastfeeding sya sa akin since na pinanganak ko sya.Kaso ngyon gusto ko na sya i stop magmilk sa akin..kasi puro sugat na ang breast ko at may maliliit n nana..sa sobrang sakit at na mamaga na ang breast Komarami na syang ipin at pinang gigilan nya ang breast ko.Halos umiiyak na ako sa sakit...Kaya need ko ng i stop sya sa pagmimilk kaso ayaw nya p rin . Kung anu ano ng gatas ang na try q s kanya..titikim lng sya then ayaw na nya....mga mommy's.. Pls..help me nmn po.thanks a. Lot

Reply
avatar
nanaystrip
AUTHOR
March 23, 2016 at 12:16 PM delete

Hello Ms. Mylene! Kumusta na? Sorry now lang ako nakareply. Sana magaling na ang mga sugat sa breasts mo para hindi na problem ang pagpapadede kay baby. Kung hindi pa, I suggest you consult a breastfeeding counselor. Refer kita sa isang mommy blogger rin na BF counselor, si Mommy Janina Perez and she blogs in In My Orange Box.

Reply
avatar
veronica
AUTHOR
May 15, 2016 at 8:12 AM delete

Hello. Po 1 month plang baby ko na stop ko ang pag papadede... mag 7months na sya this may 22 maibabalik pa po ba ung milk ko kasi super nanghinayamg ako sa benefits nya for my baby at sa risk din na pwd aqng magka kancer at iba pa if d nakadede baby ko.
Please paki add naman po aq sa facebook: veronica_cuaresma@yahoo.com
Interested po aq kung may doctor po kaung alam about breast feeding

Reply
avatar
nanaystrip
AUTHOR
May 22, 2016 at 1:03 PM delete

Hi Veronica! May kilala akong fellow mommy blogger na pwede mo tanungin on relactation. You can visit her blog inmyorangebox.blogspot.com :)

Reply
avatar
xana
AUTHOR
July 15, 2016 at 6:38 AM delete

Just asking. Good day to all.
ask ko lng sana,Ng pa breastfeed ako for 2months,naisipan kong tigilan dahil sobrang pagod ko sa ttrbaho.inisip ko baka ma dede ng baby ko ang pagod. Then now 1yr n 2mnths na baby ko bkit biglang nag ka gatas ng konti ang isang breast ko. Posible bang buntis ulit ako? Thank you in advance.

Reply
avatar
xana
AUTHOR
July 15, 2016 at 6:40 AM delete

Just asking. Good day to all.
ask ko lng sana,Ng pa breastfeed ako for 2months,naisipan kong tigilan dahil sobrang pagod ko sa ttrbaho.inisip ko baka ma dede ng baby ko ang pagod. Then now 1yr n 2mnths na baby ko bkit biglang nag ka gatas ng konti ang isang breast ko. Posible bang buntis ulit ako? Thank you in advance.

Reply
avatar